MENU

Ang Pasuguan ng Pilipinas sa Jordan ay ipinagdiwang noong buwan ng Agosto ang Buwan ng Wikang Pambansa na may pangakalahatang temang “Ang Wika Natin ang Daang Matuwid”. Kaugnay ng pambansang pagdiriwang, nagsagawa ang Pasuguan ng patimpalak sa pagsulat ng sanaysay na may paksang “Ang Aking Ambag sa Ika-aangat ng mga Pilipino sa Jordan” na nilahukan ng labing-apat (14) na Pilipina. Dumalo rin ang ilang mga miyembro ng ibat ibang organisasyon ng mga Pilipino sa Jordan upang matunghayan ang patimpalak. Nagkamit ng unang gantimpala si Bb. Angelita Altarikalawang gantimpala si Bb. Mila Balignasay atikatlong gantimpala si Bb. Maya Eugenio. Ang mga nagwagi ay nag-uwi ng katibayan ng pagkilala, salaping premyo at memento. Lahat ng mga nakilahok ay pinagkalooban din ng Pasuguan ng katibayan ng paglahok at mga memento. Ang nagkamit ng unang gantimpala ay inanyayahang basahin ang kanyang akda sa harap ng mga tagapakinig.

Nagbigay din ng mensahe si Charge d’ Affaires Emmanuel R. Fernandez kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Binigyang diin ni CDA Fernandez ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pakikipagkomunikasyon sa kapwa Pilipino, higit lalo kung ang isa’y wala sa kanyang sariling bayan, at ang kahalagahan ng patuloy na pag gamit ng sariling wika nasaan mang dako ng mundo. Bilang pagtatapos, nagkaroon ng munting salo salo ang mga kawani ng Pasuguan, mga kalahok at mga panauhin.

Kasunod nito ang akda ni Bb. Angelita Altar na nagkamit ng unang gantimpala sa patimpalak:

Ang Aking Ambag sa Ika-Aangat ng mga Pilipino sa Jordan

(Angelita Altar)

Ang aking ambag sa ika-aangat ng mga Pilipino sa Jordan ay ipalaganap ang kagandahan ng ating kultura, magagandang tanawin at mga kaugaliang ating ginagawa. Higit sa lahat ay ang aking sarili na kung paano ako nakikitungo at kung paano ko ipinapakita sa tao ang aking pagiging Pilipina sa pamamagitan ng mahinahon na pagkilos, magalang na pananalita at maayos na pananamit na nababagay sa bansang Jordan.

Ito ay aking isinasagawa sa pamamagitan ng maikling pagkukwento o pagsasalaysay sa aking mga amo at sa ilang mga nakikilala kong tao sa Jordan o tinatawag na ibang lahi tulad ng Indonesiya, Palestino, Jordano, Indiyano at iba pa na akin na ring nagiging kaibigan.

Una kong isinasagawa ay ang pagsasabi ng ating mga pangunahing salita tulad ng magandang umaga, kamusta at salamat. Kasunod nito ay ang mga kaugaliang magalang tulad ng pagsasabi ng Po at Opo, ang pagmamano sa mga nakakatanda bilang isang paggalang.

Sa pagsasagawa ng ilang mga bagay tulad ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa pamilya bilang tanda ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagtawag o pakikipag-usap gamit ang makabagong gamit tulad ng cellphone, laptop at computers. Hindi rin ako nakakalimot na magpadala sa aking pamilya tuwing katapusan ng buwan. Nalalaman ng aking amo at mga kaibigan na hindi tayo nakakalimot sa ating pamilya at kanilang inilalagay sa isipan na ang mga Pilipino ay sadyang mapagmahal at maasikaso sa pamilya.

Inaambag ko rin na gamitin ang mga produktong gawa mula sa atin tulad ng mga pagkaing gawang pinoy, biko, maja blanca at adobong manok.

Sa paglipas ng taon o panahon, ang pagsasagawa ko sa mga bagay na ito ay binabalik din ang magandang resulta. Nagkakaroon sila ng respeto at pagmamahal sa ating kapwa Pilipino at kinikilala nila ang ating kultura at higit sa lahat ang pagkakaroon ng pag galang sa atin at pagtatangkilik din nila sa ilang produktong gawa mula sa atin. Saan man tayo naroroon kung patuloy natin gagawin ang mga gawaing ito, taas noo tayo.