MENU

Republic of the Philippines

Department of Labor and Employment

Intramuros, Manila

MESSAGE

 

Isang mainit na pagbati ang aking ipinaabot sa lahat ng ating mga kababayang manggagawa dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat sa ika-113 Taong Pagdiriwang ng Anibersaryo ng Kalayaan ng Ating Republika.

Ang Araw ng Kalayaan ay isang napakahalagang bahagi ng ati ng kasaysayan at ang paggunita ng araw na ito ay tuwinang kinatatampukan ng pambansang pagdiriwang.

Sa taong ito, ang tema ng ating pagdiriwang ay "Kalayaan, Paninindigan ng Bayan", isang napakahalagang tema na dalawang mensahe ang ibinabahagi.

Una, sa marahang pagbigkas ng "paninindigan", ipinahahayag nita na ang ating Kalayaan ay isang yamang-bansa na ating pinangangatawanan at pinahahalagahan. Sa pangalawa at mabilis na pagbigkas, ipinapahayag ng "paninindigan" na ating itatayo at ipagtatanggol ang ating Kalayaan na ating nakamit sa dugo at pawis na ating mga ninunong bayani.

Sa ating makabagong panahon ay kabilang kayo na minamahal nating mga manggagawang Pilipino sa hanay ng ating mga bayani. Kaya naman nagpupugay tayo sa inyong pagpupunyagi, at pagpapakita ng inyong hinahangaang talino, galing, at kakayahan sa inyong mga napiling hanap-buhay. Ang inyong napakalaking ambag sa ating ekonomiya ay patuloy na nagpapatatag sa ating kalayaan, kabilang na ang kalayaang pangkabuhayan na ating tinatamasa.

Kaya naman sa araw na ito, nais kong bigyang-diin ang tiyak at seryosong pagpapahalaga sa pamahalaan ng Pangulong Benigno S. Aquino III na mabiyayaan ng ibayong proteksyon at mapangalagaan ang inyong kapakanan sampu ng kapakanan ng inyong pamilya.

Ang mithiing ito ay patuloy nating sinisikap makamit. Ang mga programa at reporma na ating ipinatutupad ay nakalaan para sa inyo habang kayo'y nasa ibayong dagat at sa panahon ng inyong pagbabalik sa ating sariling bayan. Kami sa pamahalaan ay patuloy na nagsusumikap upang kayo ay mapaglingkuran nang maayos, tama at sapat, at mabilis.

Sa dakilang araw na ito ng ating Kalayaan, hinihiling ko ang inyong pagkakaisa upang ating makamit ang ating pambansang mga mithiin. Magsama-sama tayo sa paninindigan sa ating Kalayaan at sa pagdarasal sa patuloy na kapayapaan at kasaganaan ng ating bansa at kalusugan ng bawat pamilya ng manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.

Mabuhay!

(Sgd.) ROSALINDA DIMAPILIS-BALDOZ

Kalihim