MENU

Sa ika-19 ng Hunyo ng taong 2011, gugunitain ng bansang Pilipinas ang ika-150 anibersaryo ng araw ng kapanganakan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Sa petsang ito marapat na sariwain ng bawat mamamayang Pilipino, mapasaan man sila sa mundo, ang aral at pamana ni Rizal sa ating bansa. Ang buhay at panulat ni Rizal ay hindi lamang nararapat aralin sa loob ng paaralan at pamantasan, datapuwat ito ay dapat isabuhay ng bawat Pilipinong may matayog na pagmamahal sa sariling bansa at mariin ang pananalig at pagsusumikap na maiangat ito sa matagal nang inaasam na kaunlaran at kapayapaan. Isang siglo at limampung taon mula nang siyang ipinanganak sa Calamba, akma pa rin ang mga pananaw ni Rizal sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Marahil hindi pa natin ganap na naisakatuparan ang kaniyang mga mithiin at ukol lamang na pagibayuhin ng sambayanang Pilipino ang pagkakaisa tungo sa kapayapaan at kaunlaran. Sa ganitong paraan ay tunay tayong magiging haligi rin ng ating inang bayan katulad ni Dr. Jose Rizal.

Basahin ang mga sanaysay tungkol kay Dr. Jose Rizal sa website ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan.