Ang Pasuguan ng Pilipinas sa London ay naglabas ng babala sa publiko tungkol sa isang ahensiya sa United Kingdom na gumamit ng pineke na Job Order Verification stamp at palsipikadong pirma ng Labor Attaché ng Philippine Overseas Labor Office sa United Kingdom (POLO-UK). Ayon sa Pasuguan ay napag-alaman nila na isang JP Recruitment Agency na may address sa 290 Queens Road, Bootle, Liverpool, United Kingdom at may telepono bilang +44 701114753 ay nanghikayat sa isang recruitment agency sa Pilipinas na mag-recruit ng mga Pilipinong ibig magpunta sa United Kingdom gamit ang isang Manpower Request/Job Order na may pekeng tatak ng POLO-UK at palsipikadong lagda ng Labor Attaché doon.
Pinapayuhan ng Pasuguan ng Pilipinas sa London na mag-ingat sa mga taong mag-aalok ng trabaho sa United Kingdom lalo pa't kung dala ang pangalan ng JP Recruitment Agency at kung hindi matiyak ang katotohanan ng gamit na Job Order o kung may pagdududa sa mga tatak at pirmang nasa dokumentong ito.
Hangga't maari makipag-ugnayan sa POLO-UK o POLO-Amman upang mapatotohanan ang legalidad ng mga alok na trabaho. Mas maigi rin na isangguni sa Philippine Overseas Employment Agency (www.poea.gov.ph) ang anumang mga job offer o alok ng trabaho sa ibang bansa.